Umuulan. Ngunit, hindi inalintana ni Russel ang bawat nangagalit na patak ng ulang iyon. Patakbo niyang tinatahak ang madulas na daanang aspalto bitbit ang itim na gitarang nanganganib magato dahil sa pagkabasa. Sumilay ang manipis na ngiti buhat sa kanyang mga labi nang matanaw ang tahanan ng mga Sanggalang. Nanlimot siya ng tatlong maliit na bato. Maya-maya pa’y sinimulan ng batuhin ang mala-reynang bintana ng kwarto ni Dainty. Sa unang pagbato, walang reaksyon ng nasa loob. Ikalawa, wala pa rin. At noong ikatlo, wala man lang signal ng paglabas ni Dainty bagama’t dinig na dinig naman niya ang ginagawang pagbato ng lalaki. Kumuha ng sapat na lakas ng loob na kung saan-saan pa niya hinugot saka nagwikang,

“Alam ko, naririnig mo ko Dainty…” Mas lalo pang sumeryoso at nag-maskulado ang tinig ni Russel. “Sa biyahe ng buhay, natutunan kong huwag na huwag tayong paiiwan. Kailangan nating sumakay para makaupo ng kumportable. Hindi pwedeng basta nakasabit lang. At mas lalong mahirap kung buong buhay kang humahabol na lang—tumatakbo, naglalakad. Inaamin ko,noon, sabit lang ako sa pagkalalaki. Hindi ko magawang sumabay sa sasakyang panlalaki dahil hindi ko makita ang sarili ko roon at natatakot ako sa iba’t ibang kantiyaw na maririnig mula sa mga kasabayan ko lalo pa’t ang ama ko ang drayber. Kaya sumabit ako para makaiwas sa anumang kahihiyang maidudulot ko sa ama ko at para hindi rin maiwan ng biyahe ng buhay. Alam kong mali iyon. Kaya nga itinatama ko ang lahat ngayon. Pinili kong huwag ng sumabit kaya may ibang taong sakay na pinilit akong ihulog. Nahulog ako. At naroon ka, sinambot mo ko. Tinuruan mo akong tumayo ng tuwid at ituwid ang baluktot na kamay. Binago mo ang buong buhay ko. Ngayong ikaw naman ang inihuhulog ng sasakyan ng kaligayahan, huwag na huwag kang papayag na nakasabit ka lang dahil mas maraming sakit kang mararansan dahil sa pagsabit. Buti pang bumaba ka ng kusa, aalalayan kita. Kung may sasakyan lang ako, dadaan ako at i-aangkas kita. Hahabulin natin ang kaligayahang iyon. Ngunit wala  ako noon kaya ang pagsama sa iyo ang tangi kong maihahandog na tulong sa ‘yo. Pero, hindi ko hahayaang maglakad ka kasabay ko. Dahil, papasanin kita sa likod ko. Mahal kita Ms. Dainty Sanggalang. Mahal na mahal.”

Natigilan ang nangingiyak-ngiyak na si Dainty na gustong-gutso ng lumabas at yakapin ang lalaki ngunit hindi niya magawa. Mas lumakas pa ang pagpatak ng mga luha ng ulap. Binalot ng katahimikan ang buong paligid at tanging ang nangagalit na kidlat ang bumabasag sa katahamikan. Umasa si Russel na maaaninag ang mukha ng babaeng minamahal. Ngunit, wala. Nang makaramdam ng panginginig ng tuhod, siya ay napaupo na lamang at isinabay ang nag-uunahang luha sa iyak ng kalikasan. Maya-maya pa’y tinugtog na niya ang gitara at buong-pusong umawit,

“Mula ng makilala
Meron na akong mapupuntahan
May karamay nangarap kahit mahirap
Lagi kang nandyan
Langit ko ay ikaw
Halik ng isang anghel
Liwanag ng araw
Ang pag-ibig ko’y di magmamaliw, O giliw
Ang pusong ito’y sa iyo lamang mahal”

Kasabay ng pagtatapos ng pangangatal ng huling string ng gitarang iyon ay ang pagkawala ng pag-asang makikita pa niya ang babaeng minamahal. Maya-maya pa’y ginamit na niya ang natitirang lakas upang tumayo. Iniwan niya ang gitara at tuluyan na niyang nilisan ang lugar na iyon na patay ang buong katauhan. Sa pagsilip sa bintana ni Dainty, nakita niya ang papalayong lalaki. Gustong-gustong ipagsigawan ni Dainty na mahal na mahal niya si Russel, ngunit, hindi niya magawa dahil nasa likod niya ang kaniyang pinakamamahal na ina. Di naglaon, ay may narinig siyang tunog ng nabanggang kotse sa di kalayuan kasabay ang pagkakita sa pagkaladkad ng isang taxi sa isang itim na bagay. Tinitigan niyang mabuti ang bagay na iyon…gitara. Gitara pala…

Hindi nagsayang si Dainty ng oras. Kaagad siyang nag-abang ng taxi para pumunta sa lugar kung saan dinala ang mga kasangkot sa aksidente. Dahil sa hirap ng pagsakay, muli niyang naalala ang unang pagkikita nila ni Russel. Palibhasa’y rush hour noon kaya una-unahan ang mga empleyado sa pagsakay. Limang beses siyang nagtangkang makasakay ngunit limang beses din siyang nabigo. Nainis na siya noon sapagkat mas nauuna pang isakay ang mga bagong labas mula sa loob kaysa sa kaniya. Dahil sa inis, hindi na niya napansing may Taxi na pala sa harapan niya noon. Natauhan lamang siya ng may marinig siyang boses ng maskuladong lalaking mula sa kaniyang likod na nagtatanong kung sasakay ba siya o hindi. Nagmamadali siyang sumakay noon at nakalimutan nang magpasalamat sa lalaking iyon. Nilingon na lamang niya ito at tinandaan ang mukha kasabay ang pangako nang pagpapasalamat sa oras na magkitang muli sila. At iyon, iyon ang una nilang pagkikita. Ngunit ngayon, lakad at takbo na lamang ang magagawa niya para makarating sa patutunguhan dahil hindi niya kasama ang taong ihinuhuli ang sarili para mauna lang siya. Di naglao’y sumabay na ang kanyang mga mata sa hinagpis ng mga ulap. Hindi niya alam ngunit ipinapalo sa kanyang utak ang araw na iyon—ang araw na hindi niya inaasahang mangyayari. Nasa camp sila noon ng isang kapita-pitagang organisasyon kung saan isa sa mga speaker si Russel kaya siya pumunta roon at siya naman ay isang partisipant. Nag-uumapaw ang kaligayahan niya noon dahil sa dami mababaong kaalaman pag-uwi. Laking gulat na lamang niya ng may isang bagay na aminin ang isang ispiker na ipinunta niya roon. Bakla…bakla…at bakla pala siya! Nasaktan siya. Ang kaligayahang nararamdaman kanina ay napalitan bigla ng mga pasakit at pagkamuhi sapagkat ang pagkakulong ng kaniyang ama sa katawang salungat sa kasarian ang dahilan kung bakit sunod-sunod na dagok ang dumating sa kanila ng kaniyang ina tapos ang lalaking hinahangad niyang makasama habang buhay ay isa pa palang nagpapanggap ang katauhan. Pero ang pinakamasaklap ay , naroon, naroon ang kaniyang ina. Dinig na dinig ang bawat hibla ng salitang binitiwan nang nasa unahan. Kinaladkad siya ng kaniyang ina papalabas ng gusaling iyon habang limpak-limpak na mura at pagbabanta sa kaniya ito sakaling makipagkita pang muli siya sa ka-uri ng kaniyang ina. Wala siyang nagawa kundi tumangis ng tumangis at tumangis. Ilang araw matapos iyon ay nakita niya si Russel na kasama ang kaniyang ama sa isang restaurant na lalong nagpaapaw sa pagkamuhing nararamdaman. Ngayon, para ulit siyang kinakaladkad, ngunit mas masakit pa sa ginawa ng kaniyang ina, dahil kinakaladkad ang kaniyang pusong wari’y papel na malapit ng mapunit. Sa patakbo-takbong pagtahak, ilang beses na siyang natisod, pero tumayo at tumayo pa rin, hinubad and 3-pulgadang sandalyas at piniling mag-apak. Hindi niya alam kung bakit ginagawa niya ang pagtahak papunta sa lugar ng puro nakaputi. Ang alam lang niya, ang pagyakap sa kaniya ng kaniyang ina bago niya lisanin ang kanilang bahay ay nangngahulugan ng nalalapit na pagpupunyagi ng kaniyang kupido. Dahil sa dami ng tumatalong ala-ala sa kaniyang isipan, hindi na niya namalayang kung saan-saan na pala napaapak at tumama ang kanyang namumula-mulang mga paa. Lumalabas na ang mga likidong pula ngunit hindi ito naging hadlang para tumigil siya sa pagtakbo. Ramdam na ramdam niya ang kirot ng dalawang may lima habang iniaapak niya ito ngunit hindi niya inalintana. Maya-maya pa’y nakaramdam siya ng pagkahilo. Unti-unti siyang natutumba. Ngunit bago pa siya tuluyang bumagsak ay nasalo na siya ng matalik na kaibigan ni Russel, ibinaba siya nito. Habang tinatahak nila ang daan, binasag ni Ken ang katahimikan, “Ayoko sanang gawin ito dahil sinaktan mo siya pero dahil mahal ka niya, dadalhin kita sa taong pinagkakautangan ko ng buong buhay ko.” “Buong buhay mo?” “Bingi ka ba? Oo, buong buhay ko! Walang Ken at Jasmin kung walang Russel! Ulila na ko Dainty. Siya ang naging ama at ina ko. Lahat ng pagkantiyaw ng tao sa kaniya, binalewala niya para lamang matulungan ako at si Jasmin sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon. Ginusto niya ang magbago para matanggap siya ng lipunan. Kaya nga nagpunta siya sa lugar na walang na kakakilala sa kaniya dahil napagtanto niyang dalawa lamang talaga ang kasarian dito sa mundo. Alam mo bang gusto na niyang ilaglag ang lahat pero isang araw may babae na lang na dumagok sa kaniya at gumising sa katotohanang gusto na niya ang magpakalalaki—kahit gaano pa kabigat ang barbel sa gym, binuhat niya para sa’yo…kahit inabot-abot na siya ng sandamakmak na sermon mula sa masungit na matanda para lamang makapagpaturo ng piyesang paborito mo, hindi niya inalintana…at kahit gaano pa siya nahirapang ituwid ang lahat ng baluktot sa kaniya, kinaya niyang lahat para sa iyo. Noong araw na makita mo siyang kasama ang iyong ama, nasa likod mo ako noon. Hindi iyon dahil nagkakasundo sila. Nagmamakaawa siya sa ama mo na bumalik siya sa inyo dahil alam niya kung gaano mo minamahal ang iyong ama. At nagbabaka-sakali siyang mahihikayat niya itong maging lalaki para sa iyo at sa nanay mo…” Nabato si Dainty sa lahat ng narinig. Nang makita ang pulang krus ng gusaling nasa harapan nila, unti-unting nagdilim ang kaniyang paningin…

Ginising ng isang awitin ang nahihimbing na si Dainty. Isang awiting mula sa lalaking animo’y kinuyom na rosas na kulay lila na. Kay lungkot ng awit—Iyong tipong dinig na dinig mo ang kakaibang pagpiyok ng bawat pagtulo ng mumunting tubig na ito mula sa bilugang mga mata. Sariwa pa ang awiting ito kay Dainty  kaya’t sumabay siya sa paboritong awitin: “Langit ko ay ikaw….Halik ng isang anghel…Liwanag ng araw” Sinadyang tumigil ng lalaki sa susunod na kataga ng kantang iyon kaya’t lutang na lutang ang namimighating boses ng isang Sanggalang, “Ang pag-ibig ko’y di magmamaliw, O giliw
Ang pusong ito’y sa iyo lamang mahal” Kasabay ng pagpaos sa nangangatal na boses ni Dainty, ay ang pagkulong niya sa bisig ng kanyang pinakamamahal—kay higpit-higpit ng yakap na iyon. Nang kumalas si Dainty mula sa pagkakayakap, inilapat na ng kanyang pinakamamahal ang likod sa malambot na kutsong amoy alkohol at pinagdait ang mga kamay sa ibabaw ng mga kalamnang may anim na parisukat. Ibinuka ang kanyang mga bibig, inilagay ang kuyom na kanang kamay sa sentrong bahagi ng kanyang dibdib at winikang, “Mahal ka ng nalitong pagkataong ito”.  Sumabay sa pagbalik ng panulat na kamay sa ibabaw ng kalamanan ay ang pagsarado sa mga bilugang iyon. “Mahal kita Russel kahit anino ka pa nang iyong nakaraan…” At…at tumuwid na ang berdeng linya nang makinaryang iyon,  “ttttttuuuuuutttttt”.

Rinig na rinig sa maliit na kwartong iyon ang bawat pagkulog at pagkidlat. Mas lalo pang lumakas ang ulan. Ngunit ang lakas ng ulang iyon ay hindi naging sapat para hindi marinig ang isang pusong naghihinagpis sa ingay ng panghihinayang. At sa muling pagtapon nang kidlat ng kaniyang tunog, sumabay ang isang putok ng isang kwarenta’y singko. Napapapikit na lamang si Ken at nasambit na lamang niyang, “Kung hindi ko sana ibinigay sa kaniya ‘yon, hindi siya aamin at baka nagpakalalaki na siya ng tuluyan noon ding panahong iyon. Kung bakit nga ba kasi pinaamin ko pa noon gayong alam ko na naman kahit noong hindi pa kami magbestfriend. Sorry…” At isa pang putok ng kwarenta’y singko ang gumambala sa lugar na iyon…

Advertisements