Nakakapanggitlang tunog mula sa pulang bilog

Ang hudyat ng isang panibagong kursong susog

Isinilid ko sa malaginto at luntian kong supot

Ang parisukat na may linyang dalawampu’t apat sa loob

Pabigla akong tumayo upang mainda ang sakit

Ng kanina pang pagal na likuran na sa sanadala’y nakadikit

Ang telang nag-uugnay sa supot ay ibinalikat na

Sa animo’y binugbog—kanang mataas at kaliwang mababa

Nag-iisip na binagtas ang kahabaang daan

Tungo sa silid kung saa’y tuturuan ng agham

Nang makitang puwang pa ang patungan sa may harapan

Marahang tumungo sa kahoy sa may unahan

Dumadagundong ang iba’t ibang tunog sa paligid

Nakakapanakit ng ulo ngunit di ko naman sila mapapatigil

Kaya’t minabuting kumuha na lang ng dahong dilaw

Nagguhit at nagsulat na lamang ng tungkol sa pulang ilaw

Nakalimang ikot na sa ika-labindalawa ang kamay

Ng aking tikatik ngunit wala pa rin ang hinihintay

Tumitiklop na ang talukap ng aking dalawang itim

Ngunit patuloy pa rin ang ingay at hagikihikang matatalim

Ako’y naiinip na nga’t tumatagaktak pa ang pawis

Nagsisimula ng kumunot ang noo, mawalan ng pasensya’t mainis

Pagkat ang oras na pinag-iintay, sana ako’y nasa biyahe na

Papuntang Maynila para sa kaibigang lumalala

Hanggang labing-anim na minuto na ang lumipas

Mga kamag-aral ay tuluyan ng nagsilabas

Kung nagsabi ba naman siyang liliban pala s’ya

Di sana’y naabutan ko ang katoka kong humihinga pa.

Advertisements