Nakatanggap ako ng regalo mula sa isang kaibigan.

Nang aking binuksan—isang parisukat na may lamang bilog ang saki’y tumambad. Matitiman ko itong tinitigan. Salamat at walang banta ng pagkapirata.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung nang-aasar lamang ba talaga ang bumili ng regalong iyon o dahil sa ‘something funny’ ang gusto niya, iyon ang napili niyang pangpalitan-regalo. Masasabi ko talagang walang ‘taste’ ang pumili ng regalong iyon. Baduy pa sa pinakabaduy at weirdo pa sa mas weirdo ang aking natanggap! Dahil nga sa sobrang asiwa ko sa bagay na iyon, kulang na lamang ay ideretso ko na sa mabahaong latang malapit sa kinalalagakan ko. Sa likod-likod nga ng isip ko ay ikatutuwa ko pa yata kung ang gasgas na mug o dili kaya ay ang pwede-ng-pagtiyagaang picture frame sa halip na…na VCD na iyon. Wala namang kaso sa akin kung VCD man ang aking matanggap. Ngunit,ang pinagpupumiglas ng utak ko ay ang katotohhanang “Atsay” ang pamagat ng lumang lumang pelikulang iyon na pinagbibidahan pa ni Ms. Superstar. Mas lalo pa akong nainis dahil hindi man lamang ito naging pelikulang “Himala”. Kahit paano ay ‘may’ alam ako sa pelikulang iyon at para sa akin ay ‘ok’ na iyong regalo. Pero wala eh. “Atsay” ‘lang’ ang pinagkaloob sa akin…

Pero, sa kabila ng aking ‘sama ng loob’ sa regalong iyon, dala na rin ng kyuryosidad sapagkat wala naman sa mga kasamahan ko ang magreregalo ng ‘basta’ na lamang dahil kami ay nabibilang sa isang organisasyong kapita-pitagan, pinanuod namin ang pelikulang iyon ng aking mahal na ina.

Sa unang parte nito, wala namang kakaiba. Wala man lamang kalatuy-latoy  kasi wala man lang kaakibat na tunog ang mga pangyayari na walang batuhan nang linya—sa madaling sabi, patay na patay ang mga iyon. Ngunit sa paglaon, unti-unti ng naantig ang aking damdamin dahil sa mga nakagugunaw na pusong pangyayari sa pelikula. maya-maya pa ay may bigla na lamang tumulo sa aking kuyom na palad. Ako pala ay masyado nang nadala ng bawat batuhan ng linya, ng bawat pagkadapa ng pangunahing tauhan at ng bawat pasakit na binibigay ng tadhana sa bida ng pelikula. luha na pala ang tumulong iyon at manapa ay nag-unahan na sa pagpatak ang mga ito buhat sa aking nasasaktang mga mata. Akala ko noon, ang ikinapipighati ng aking damdamin ay dahil si Lhea ay isang Atsay—katulong na tinatratong masahol pa sa isang hayop, katulong na pinagsasamantalahan ang buong pagkatao at katulong na inaapak-apakan ang dignidad. Ngunit, hindi pala iyon. Maling-mali. Sapagkat naiyak ako noong walang awang pinatay ang isang matandang kinulong sa anino ng pighati’t pagdudusa, matandang wala sa matinong pag-iisip, matandand ni magpalit ng damit ay hindi magawa at matandang ang silindro lamang ang tanging libangan. Dahil ang matandang iyon pa ang siyang naging kaagapay ni Lhea sa bawat dagok na ibinibigay sa kanya ng mundo.

Ewan ko ba. May kung anong boses ang sumisigaw sa akin na nagsasabing, “do not judge the book by its cover.” Napako ako sa aking kinauupuan. Ang kaninang pagkainis sa nagbigay ng regalong iyon at sa regalo mismong iyon ay napalitan ng inis sa aking sarili. Hay…

Talaga nga namang may dahilan ang lahat ng bagay na nangyayari sa isang tao. Tunay na hindi nagkakaloob sa iyo ang nasa itaas ng mga bagay na ‘basta’ na lamang. Kahit pa ito ay bagay na kinaayawan mo, gagawa at gagawa ang Diyos ng paraan para matuto tayo sa mga bagay na iyon. Gaya ko, akala ko, panapon lamang talaga ang “Atsay” na iyon. Ngunit ano? Hindi ba’t nakakatuwang isipin na ang mga bagay pa na akala nating walang-walanng papel sa ating buhay, ang siya pang magmumulat sa atin sa isang katotohanan dito sa mundo—ang katotohanang sa kabila ng pagiging iba ng ilang tao, may mga tao pa ring silang pinapahalagahan. At dahil sa pagpapahalagang ito, handa silang wakasan ang kanilang mga buhay para lamang sa mga taong ito.

At sa oras na kunin sila ng nasa itaas, hindi ito dahilan para lumalay ang pag-asa ng taong naiwan. Bagkus, gawin itong isang hamong magsisilbing inspirasyon para mas maging matatag siya dahil nag-iisa na siyang papasaan sa mabigat na bagahe ng buhay. Wala ng ibang tutulong kundi siya at Siya lamang…

Hindi ba’t kaysarap sa pakiramdam na muli kang nakatayo ng tuwid, naglalakad na’t tumatakabo pa, matapos kang matisod sa pinaka katisod-tisod na bagay? Tapos, habang itinutuloy mo ang pagtahak sa liku-liko mong buhay, maaalala mo siya at taas-noo mo na lamang na masasabing, “…AT nang dahil SAYo, heto na ako.”

Heto na ako…

Advertisements