Badtrip.

Unang araw pa lamang ng linggo ay sirang-sira na ang araw ko. Natilabsikan lang naman ng lupang binasa nang ulan ang puting puti kong long sleeves na pinagtagaktakan kanina nang pawis ko dahil sa pag-aalis ng gusot nito. Hapon na iyon at nagmamadali pa man din ako noon pagkat mahuhuli na ako sa faynal interbyu para makapsok sa isang organisasyon na pinangarap ng isang taong mahalaga sa’kin na mapabilang ako. Hindi pala iyon faynal lang…huling pagkakataon ko na rin iyon para maipakita sa kaniyang pwede rin akong ipagmalaki.

“$@#%*?!”, ang nasambit ko habang pinandidilatan nang mata ang tsuper ng dyip na iyon na alam ko namang walang ka-balak balak na lingunin ako! Sinabayan nang luha ng mga ulap ang pagkainis ko na nagpabugso na sa aking kagustuhang manapak. Ngunit, nagtimpi ako, pumasok pabalik sa ‘ming bahay pagkat may naalala ako…

RELED22 iyon, hinding hindi ko malilimutan ang sinabi nang aking guro—kapag daw natalsikan nang putik ang damit mo, tatlong bagay lang ang pwede mong gawin: (1) tumuloy ka sa pupuntahan mo na ganoon ang istura nang damit mo (2) dagdagan pa ang putik para mapantay at saka tumungo sa pupuntahan mo o (3) bumalik ka sa bahay ninyo upang magpalit ng damit at saka tuluyang tumungo sa pupuntahan.

Tatlong natatanging bagay na pagdedesisyunan—kung susuriing mabute, sa tatlong ito lang naman umiikot ang paglalakbay ng ating buhay. Kung pipilitin nating tumuloy sa ating pupuntahan na may bahid tayo ng kadungisan, magiging kumportable ba tayo kapag nakarating tayo sa ating pupuntahan? Buong pagmamalaki ba tayong makakabati sa lahat ng makikita nating kakilala nang hindi natin tinatakpan ang parteng naputikan? At ipapasa ba tayo nang interviewer natin kung sa pananamit pa lamang eh kalaglag-laglag na tayo? Sa kaunting putik nga, hindi na tayo mapakali paano pa kung lahat ng putik ay ipinahid mo na sa iyong damit? Hindi ba’t kay sarap sa pakiramdam na kahit nagpalit ka na nang damit ay taas-noo ka pa ring tutungo at sasagot sa mga tanong na ipupukol ng interviewer pagkat malinis ka.

Ganiyan dapat tayo. Dapat, kahit ilang beses tayong matalsikan ng putik, handa tayong iwan iyong dati nating baluti upang palitan ito ng bago. Dapat maging bukas at handa tayo sa pagtatama nang kung ano mang mali sa’ting buhay upang ng sa ganoon, kapag humarap na tayo sa huling paghahatol kumportable tayo pagkat malinis at bago ang baluti natin. Oo nga’t maaaring labahan iyong damit na naputikan, pero, hindi sa lahat ng pagkakataon, may oras ka pang gawin ito lalo na kapag gahol ka na sa oras at panahon. Pakatandaan na kaya napapalitan ang mga bagay-bagay sa paligid natin eh dahil doon mismo sa mga ipapalit mo mas mararamdaman na mas kumportable ka. Kailangan mo lamang tanggapin na ang nagpadungis sa iyo ay bahagi nang plano ng maghahatol sa atin baling araw at ang dungis na iyon ay kailangan nang ikulong sa nakaraan…

Nagpalit ako nang damit, nakapasa sa interbyu…at ngayon, patuloy na akong ipinagmamalaki niya. At lahat ng bagay sa buhay ko ay nasa tamang daan. Bakit? Dahil pinagbuksan ko ang lahat ng pagbabagong pilit pumapasok sa buhay ko. At masaya ako ngayon—dahil nagpalit ako nang damit. Hindi man puti, ayos lamang.

Advertisements