Walang kalamidad na dapat katakutan.

Hindi naman nakamamatay ang lindol kaya hindi dapat ito katakutan. Ang nakatatakot ay ang mga gumuhong imprastraktura dahil sa malubay na pagkakagawa.

Hindi naman nakamamatay ang dagat kaya hindi dapat ito katakutan. Ang nakatatakot ay ang mga opisyales ng bapor na walang pakundangan sa pagpapasakay sa mga pasahero kahit ang barko ay over-loaded na.

Hindi naman nakamamatay ang bagyo kaya hindi dapat ito katakutan. Ang nakatatakot ay ang mga taong walang tigil sa pagtatapon ng basura kaya naman nagbabara ang mga kanal na dapat aagusan sana ng rumaragasang tubig,

Ito ang mga katotohanang pilit na nagpapaungot sa bumubuwal kong kaisipan. Naawa ako sa mga biktima ng mga nakapananindig balahibong trahedyang dahil daw sa ganti ng kalikasan ngunit mas naawa ako sa kalikasang nawasak na nga ng mga tao, sinisisi pa sa mga nangyari.

Ilang ulit ko ring matunog na pinag-ispian ang mga bagay na ito. Ngunit, kahit ano pang isipin ko, kusang pumipilantik sa aking kaibuturan na walang ibang dapat sisihin kundi ang mga tao. Ang pag-iisip sa sariling kaginhawaan lamang ang siyang tunay na nakakapagpahamak sa mga inosenteng tao.

(1)   Ang lindol sa Haiti. Dahil hindi ganoong dinadaanan ng lindol ang Haiti, naging panatag ang loob ng mga artkitektong gumagawa ng mga gusali rito na konkreto lamang ang gamiting materyales. Dahil dito, maraming taong natabunan ng mga bumabagsak na gusali. Hindi naman nakamamatay ang lindol eh. Ang nakamamatay ay ang mabagsakan at matabunan ng mga gusali.

(2)   Ang paglubog ng MV Baleno 9. Ayon sa isang manifesto, may lulan ang nasabing barko ng 88, 74 na pasahero at 18 marino. Ngunit sinabi ni Commandant Wilfredo Tamayo ng Philippine Coast Guard (PCG) na tinatayang mahigit sa 100 ang lulan ng barko na siyang naging sanhi ng paglubog nito.

(3)   Ang bagyong Ondoy. Maraming tao ang binawian ng buhay at may mga taong nawalan ng tirahan. Ngunit, inosente si Ondoy dahil natural lang naman ang pagdaan ng isang bagyo sa bansa. Kaya nagkabaha ay dahil sa mga basurang nagbara sa kanal.

Ipinapaalala lamang ng mga trahedyang ito na tayo rin ang nagpahamak sa ating kapwa.

Kaya nga ba, kailangan nang patibayin ng mga eksperto ang mga gusali at imprastraktura upang sa susunod na lindol ay wala ng masaktan. Huwag sana nilang unahin ang pagkikim sa sangkatutak na ibinayad sa kanila. Kailangan nilang isa-isip ang pagpapatatag sa bawat pundasiyon ng mga gusali upang wala nang mabagsakan nito sa susunod na paglindol.

Huwag na rin sanang isipin ng mga opisyales ng bapor kung gaano pa karaming kita ang pupwedeng makuha sa patuloy na pagpapasakay ng mga pasahero sa barko (kahit lampas na sa tunay na kapasidad ng barko) bagkus isipin nila ang kapakanan ng bawat pasahero upang makarating ng ligtas sa kanilang patutunguhan. Sa ganoong paraan, maiiwasa ang pagkamatay ng isang tao dahil lamang sa tahimik na tubig.

Gayon din naman, itigil na sana ng mga tao ang pagtatapon ng basura. Sana ay maisip nila na kung lahat ng tao ay magtatapon ng isang balat ng kendi sa isang araw, gaano kalaking perwisyo ang idudulot nito sa atin? Huwag na nating hintaying pati ang Baguio ay malubog na rin sa tubig-baha bago tayo kumilos.

Maituwid na sana ng mga tao ang kanilang kabaluktutan. Isipin na hindi lamang para sa sarili mo ang pagiging responsableng mamamayan kundi maging para sa kinabukasan ng bawat isang kasabay mong nakikihinga sa mundo.

Walang kalamidad na dapat katakutan kung ang bawat isa ay mag-iisip ng kapakanan ng kanilang kapwa bago ang kapakanan ng sarili.

Advertisements