indelible_ink1

Ang pag-ibig ay parang pagboto.

May proseso —

Hindi pwedeng basta ka na lang kukuha ng sarili mong balota at boboto.

Hindi iyon ganoon.

Maghihintay ka ng termino mo para ikaw ay makaboto.

Kung maraming nauna na sa’yo, pipila ka.

Kung matindi-tindi ang sikat ng araw, hayaan mo lang.

Kung umulan man, magpakabasa ka.

Kung nagugutom ka, palipasin mo na lang.

Kung nangangalay ka ng tumayo, tiisin mo pa rin.

Gawin ang lahat alang alang sa ngalan ng pagboto.

Basta hindi ka dapat umalis sa pila mo’t baka mapapunta ka ulit sa likod.

Sayang naman ang ipinila mo kung magkakaganoon.

Huwag ka na ring magtangkang sumingit, nakahihiya.

Tiyagain mo ang pagpila kasi nasimulan mo na.

Manindigan ka sa pila mo.

Kung may mga sumingit man, pabayaan mo ng lamunin sila ng kanilang konsensiya.

At least ikaw, panatag kang sumusunod sa ayon at nararapat.

‘Yon naman ‘yon eh.

Kung limang oras ka ng nakapila at hindi mo pa rin termino, revicon, think positive.

Tandaan, everything worth it is always worth the wait.

At kapag dumating na ‘yong oras na ikaw na ang boboto, ibigay ang lahat.

Ipakitang buo ang loob mo sa pagboto.

Para wala kang pagsisihan.

At ang tanging hangarin mo lang ay ipaglaban ang mga kandidatong alam mong nasa tama.

Para sa bayan…

at higit sa lahat, para sa sarili.

 

Advertisements