I

Ikaw ang nagpasyang ako ay tuluyang iwanan

Sa kabila ng lahat ng ginawa ko upang hindi mo ‘ko bitawan

Ni hindi mo ako pinagbigyan na ikaw ay aking mapigilan

Kaya naman ako’y umiiyak ngayon at lubhang nasasaktan

II

Hindi ba’t nangako kang ako’y iyong aalagaan —

na mamahalin mo ‘ko araw-araw hanggang sa dulo ng walang hangganan?

Sadya bang kay ikli ang pakahulugan mo sa magpakailanman

kaya hindi man lang tayo umabot sa ‘sang taon nang pagmamahalan?

III

Gusto kong magalit sa’yo ngunit hindi ko mapanindigan

Pagkat nangingibabaw pa rin ang pagmamahal kaysa sa ibang nararamdaman

Kay sakit lamang talaga ng paghingi mo sa iyong kalayaan

Lalo’t ang paglisan mo’y walang namang malinaw na kadahilanan

IV

Siguro’y sapat na ang mga idinulot mong kalungkutan

Kaya nararapat lamang na ikaw ay akin nang pakawalan

Bagama’t ang puso ko’y tila ba gusto ka pang ipaglaban

Hayaan mo’t matututunan ko ring ikaw ay makalimutan

V

Ngayon, ang mabuhay ng wala ka ay dapat ko ng kasanayan

at itatak sa’king isipan na bahagi ka na lamang ng masakit kong nakaraan

Hindi magtatagal ay muli na kong makangingiti at ‘di na masasaktan

At sa panahong ‘yon, mapapatunayan kong ikaw ay hindi na kawalan

PS:

O kay hirap talaga ang lumaban

Mahirap lalo kung ang mundo ang ‘yong lalabanan.

Pero ang pinakamahirap na totoong paglaban

ay ‘yong taong dahilang kung bakit ka talaga lumalaban

ay hindi kumakampi sa’yo at tuluyan ka ng sinukuan.

Advertisements